2 TODAS SA ROAD MISHAP

aksidente

BATAAN- DALAWA katao ang kumpirmadong patay habang isa naman ang nasa malubhang kalagayan matapos sumalpok ang kanilang kotse sa punungkahoy sa kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng Bagyong Ulysses sa Roman Highway, Barangay Capitangan sa bayan ng Abucay sa nasabing lalawigan kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Kurt Bully Sebastian, 22-anyos ng Brgy. Sta. Elena, Orion; at Ruben Ebido Vivas, 19-anyos ng Brgy. Mabatang, Abucay, habang nasa kritikal na kalagayan ang helper na si Eduardo Fajardo ng Orion, Bataan.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, magkakasama ang mga biktima sa Honda Civic na may plakang ZUR-370 pabalik sa bayan ng Orion nang mag-overtake sa sinusundang sasakyan sa kahabaan ng highway.

Nawalan ng kontrol sa manibela ang driver na si Sebastian kaya sumalpok sa punungkahoy sa gilid ng highway.

Sa tindi ng impact, wasak at nagkayupi-yupi ang kotse kung saan tumilapon pa sa labas ang isa sa mga biktima.

Naisugod sa pagamutan ang mga biktima subalit dalawa ang namatay habang nasa kritikal na kondisyon ang isa. ROEL TARAYAO

Comments are closed.