2 TRAFFIC ENFORCERS TIMBOG SA EXTORTION

CAVITE – ARESTADO ang dalawang traffic enforcers makaraang masakote ng mga operatiba ng Cavite Mobile Patrol Unit 1 sa reklamong robbery extortion ng isang Dutch national sa bahagi ng Brgy. Panapaan 5, Bacoor City sa lalawigang ito kamakalawa ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 294 ng Revised Penal Code for robbery extortion at Section 3 ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) ang mga akusadong sina Albert Velasquez at Carl Xavier Galang, kapwa miyembro ng Bacoor Traffic Management Department.

Sa inisyal na police report ni Pat. Marco Romero Cupo na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, ang dalawa ay inaresto nina SSg Arnold Mendoza at Pat. Kempee Lopez matapos ireklamo ng Dutch national na si Marek Moens noong Martes ng gabi.

Base sa police report ni Pat. Cupo, sakay ng Honda TMX na may plakang 1101-980832 ang biktima nang pahintuin ng dalawang traffic enforcers dahil sa paglabag sa traffic light sa intersection ng Aguinaldo

Highway sa harapan ng isang mall sa nabanggit na lungsod.

Nabatid na hinihingan ng P4K ng dalawang traffic enforcers ang biktima kapalit ng traffic violation kung saan nagbigay naman ang Dutch national subalit lingid sa kaalaman ng mga suspek ay humingi ito ng tulong sa Cavite Mobile Patrol Unit.

Nasakote naman sina Velaquez at Galang habang narekober din ang halagang P4K na ibinigay ng biktima habang naghihimas naman ng rehas na bakal sa police detention facility ang dalawang akusado.
MHAR BASCO