BINAWI ng dalawang lider ng transport group sabay hingi nang paumanhin kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., sa kanilang naipahayag na mga maling akusasyon.
Sa isang press conference, binawi nina Ka Obet Martin ng jeepney transport group na Pasang Masda at Boy Vargas ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (Altodap) ang kanilang mga naunang pahayag sa harap ni Abalos sa umano’y hindi pag-aksiyon nito sa kanilang mga hinaing.
“Nagkaroon po ng miscommunication pero wala pong problema dahil ngayon ay sinabi ni Secretary Abalos na bumuo siya ng technical working group para tugunan ang problema ng aming hanay,” ayon kay Martin.
“Humihingi po ako ng paumanhin dahil may mga nasabi rin po ako laban kay Secretary Abalos dahil sa miscommunication. Pero sa ngayon po, ‘yung ating mga agam-agam at problema ay may solusyon po,” sabi naman ni Vargas.
Sa parehong presscon, iniharap ni Abalos ang liham ng Magnificent 7 na naka-address sa kanya noong Hunyo 2023, kung saan ipinaabot nila ang mga isyu at alalahanin na kinakaharap ng sektor ng jeepney transport.
Binigyang-diin ni Abalos ang kahalagahan ng diyalogo sa kanyang pakikipagpulong sa grupo.
“We could solve a lot of things by sitting down and discussing the issues. Rest assured that the DILG is one with the Magnificent 7 in our united goal to give the public better transportation,” dagdag ng DILG chief. EVELYN GARCIA