CAGAYAN – ARESTADO ang dalawang tricycle driver matapos na holdapin ang kanilang pasahero na isang event coordinator noong Sabado ng gabi sa Tuguegarao City.
Kinilala ni P/Major Ruben Verbo, deputy chief of police ng PNP Tuguegarao City, ang dalawang holdaper na si Emeliano Bassig, 24, driver may-ari ng tricycle, residente ng Annafunan East, at si Domingo Zalun, 32, residente ng Barangay Linao West.
Habang ang biktima ay si Shane Guzman, 25, residente ng Barangay Caritan Norte, pawang mga naninirahan sa lungsod.
Sa imbestigasyon ng PNP Tuguegarao, sumakay ang biktima sa tricycle na menamaneho ni Bassig, dakong alas-8.00 ng gabi sa Alimanao-Caggay road papuntang Caritan Norte nang makarating umano sa Macapagal Road, Balzain East, ay sumakay ang isa sa suspek na si Zalun na tinabihan sa loob ang biktima.
Ngunit, ilang metro lamang ang layo mula sa lugar kung saan sumakay si Zalun ay naglabas ito ng kutsilyo at nagdeklara ng hold-up at inagaw ang bag na naglalaman ng P24,000 at cellphone, sabay tulak sa biktima at pinaharurot ang tricycle.
Subalit nagawa ng biktima na i-memorize ang body number ng tricycle na siyang naging daan upang mahuli ang dalawang holdaper. IRENE GONZALES
Comments are closed.