2 TRICYCLE NA MAY LULANG KWITIS SUMABOG; 5 SUGATAN

LIMA katao ang sugatan kabilang ang isang inoperahan makaraang sumabog ang dalawang tricycle na may kargang kwitis sa Tarlac City, ilang oras bago magpalit ng taon.

Sinabi ni Tarlac Provincial Director PCol. Erwin Sanque, kanila pang iniimbestigahan ang pagsabog sa McArthur Highway Brgy. Salapungan kagabi.

Naging kalansay ang mga tricycle dahil sa tindi ng pagsabog habang nagkalat sa kalsada ang mga balat ng kwitis.

Kasalukuyang ginagamot ang lima katao na mga lulan ng nasabing sasakyan.

Ayon kay Sanque, ligtas na ang apat subalit ang isa ay kinailangang operahan dahil sa tindi ng mga tama nito sa pagsabog.