BULACAN-DALAWANG drug personalities at 41 sugarol ang nadamba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa buy-bust operation at anti-illegal gambling operation ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) sa dalawang siyudad at apat na bayan sa lalawigang ito kamakalawa.
Sa report kay Col.Rommel J.Ochave, acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang naarestong dalawang drug pushers na sina Michael Cabuana alias Mike ng Barangay Balangka, Valenzuela City at Norberto Vistan alias Doods ng Barangay Taliptip, Bulakan na kapwa nakakulong ngayon at nahaharap sa kasong kriminal.
Dakong alas-12 ng tanghali kamakalawa nang kumagat sa buy-bust operation ang mga suspek kung saan nagmula pa sa Valenzuela City ang shabu na ibinebenta naman ni Vistan sa kanyang mga parokyano sa bayan ng Bulakan, Bulacan.
Isinailalim muna sa surveillamce operation ang dalawang tulak bago ikinasa ang drug-bust kaya nakorner at nakumpiskahan ng apat na pakete ng shabu at buy-bust money.
Samantala, 41 sugarol naman ang nadakip sa anti-illegal gambling operation na ikinasa ng Bulacan PIU katuwang ang 2nd Provincial Mobile Force Company(PMFC) at Municipal Police Station(MPS) sa bayan ng Pandi, Marilao, Hagonoy at Bulakan kung saan naaktuhan ang mga suspek na nagtutupad, nagpupusoy at nagtotong-its.
Nakadetine ngayon ang mga naarestong tulak at mga sugarol na nahaharap sa kasong kriminal sa piskalya sa Malolos. MARIVIC RAGUDOS