DALAWA katao ang naaresto kabilang ang isang regional high value target (RHVT) na nakumpiskahan ng P117K halaga ng droga sa magkahiwalay na drug operation sa gitna ng umiiral na “gun ban” ng Comelec sa lungsod ng Pasig.
Kinilala ni BGen. Rolando Yebra Jr., ang mga naaresto na sina Reymond Lotino, 33-anyos, umano’y nasa No.9 Regional High Value Target ng drug database at residente ng #66 Villa Monique, Esquerra St. at Juanito Hernandez, 32-anyos ng Evangelista Compd., kapwa residente ng Pasig City.
Unang nadakip dakong ala-6:30 ng gabi si Lotino ng mga operatiba ng anti-drug sa pangunguna ni Maj. Darwin Guerrero sa kanyang tahanan at kasunod nito ay si Hernandez na nasakote naman ng grupo ni Lt. Kenny Khamar Khayad sa F. Soriano St., Brgy., Palatiw.
Nakumpiska kay Lotino ang 11.9 gramo ng shabu na may halagang P80, 920.00 habang P36, 992.00 kay Hernandez na may 5.44 gramo ng shabu, buy bust money at shabu paraphernalias.
Ayon kay Col. Roman Arugay, hepe ng Pasig PNP, kahit naka-heightened alert ang pulisya sa Comelec gun ban sa nalalapit na national at local 2022 elections, hindi ito dahilan para libre ang mga salot sa droga.
Nakapiit ang dalawa sa detention cell at sasampahan ng kasong paglabag sa RA9165 section 5 at 11 sa Pasig City Court. ELMA MORALES