ORIENTAL MINDORO – NASAKOTE ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang dalawang sinasabing drug courier matapos makumpiskakahan ng P15.3 milyong halaga ng shabu nitong Sabado sa lalawigang ito.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng PDEA Oriental Mindoro Provincial Office kasama ang Roxas Municipal Police Station, Philippine National Police Drug Enforcement Group-Special Operations Unit (PDEG SOU) 4B, PDEA Calapan Special Investigation Unit, National Bureau of Inestigation (NBI) MIMAROPA, at PNP Mobile Group Battalion 4B 403 sa Brgy. Dangay, Roxas, Oriental Mindoro.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas Pintal at Cañete na umano’y distributor ng iligal na droga mula sa National Capital Region (NCR) at naghahatid sa probinsya bilang transhipment route para sa pamamahagi sa mga kalapit na rehiyon.
Nasamsam sa operasyon ang humigit-kumulang 2, 250 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P15.3 milyon.
Ang mga suspek ay mahaharap sa mga kaso sa ilalim ng Article II ng RA 9165 na kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
EVELYN GARCIA