NASAMSAM ang mahigit P.2 milyon halaga ng shabu sa dalawang tulak ng ilegal na droga na nadakma sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City kahapon ng madaling araw.
Sa report ni SSg Ana Liza Antonio kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, alas-5:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Lt. Doddie Aguirre sa ilalim ng pangangasiwa ni Lt. Joel Madregalejo ng buy bust operation sa Mc Arthur Highway corner 1st St. Brgy. Marulas matapos ang natanggap na impormasyon mula sa kanilang impormante na nagbebenta umano ng shabu si Angelo Manoguid, 21-anyos ng Mabolo St. Potrero, Malabon City.
Isang pulis na umakto bilang poseur-buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P7,500 halaga ng droga at nang tanggapin ni Manoguid ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.
Nakumpiska sa suspek ang tinatayang nasa 20 gramo ng shabu na may standard drug price P136,000.00 at buy bust money na isang P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money.
Nauna rito, bandang alas-3 ng madaling araw nang maaresto rin ng kabilang team ng SDEU si Raymond Bagtas alyas “Mong”, 39-anyos ng Bagbaguin, Caloocan City sa buy bust operation sa East Service Road, Brgy., Paso De Blas, Valenzuela City.
Narekober kay Bagtas ang tinatayang nasa 10 gramo ng shabu na nasa P68,000.00 ang halaga, P500 marked money, P300 bills at cellphone.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. EVELYN GARCIA