BULACAN – DALAWANG drug dealers ang napatay at 24 na iba pa ang naaresto sa pagpapaigting ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ng Bulacan Provincial Police Office (BPPO).
Ayon kay BPPO director PCol. Chito Bersaluna, napatay ang isang alyas Bong Retuya, kabilang sa listahan ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) ng San Rafael Police Station at Edwin Domingo alyas Edwin, 42, may asawa, ng Sitio Morning Glory, Kariapay, Dulong Bayan, San Jose del Monte City (SJDMC).
Nabatid na kasama ni alyas Bong na nagtutulak ng shabu bandang 10:30 ng gabi nang makahalata ito na pulis ang kanyang katransaksiyon. Lumaban sa mga pulis si alyas Bong samantalang tumakbo ang kanyang kasamahan kaya nakatakas.
Narekober kay alyas Bong ang walong plastic sachet ng shabu, isang kalibre .45 pistola buy bust money at isang itim na Honda wave 110 na walang plaka.
Katulad ng nangyari kay alyas Bong, naghinala si Domingo na pulis ang kanyang katransaksiyon sa droga kaya lumaban sa mga pulis bandang ala-1 ng gabi sa Sitio Upao, Brgy. Muzon, SJDMC, kaya napatay ng mga awtoridad.
Nakumpiska kay Domingo ang 15 sachets ng shabu, isang kalibre .38 revolver, buy bust money at isang orange Mio sporty motorcycle na walang plaka.
Ang 24 na naaresto ng Bulacan PPO ay dinala sa Camp Alejo Santos sa Malolos City para maimbestigahan at masampahan ng kaukulang mga kaso. A. BORLONGAN
Comments are closed.