BULACAN – DALAWANG drug peddler ang napatay nang kumasa sa inilatag na buy-bust operation sa San Jose del Monte (SJDM) City habang lima pang tulak ang nadakip ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Plaridel police sa tatlong anti-drug operation sa Barangay Banga 1st, Plaridel, kama-kalawa ng gabi at kahapon ng madaling araw.
Base sa report ni P/Lt.Col.Orlando Castil Jr, SJDM City police chief, kay P/Col.Emma M. Libunao, Acting Provincial Director ng Bulacan-PPO, nakilala ang mga suspek na sina Penry Aristain,nasa PNP/PDEA unified watchlist at isang alyas Randy na kapwa nasawi sa lugar ng engkuwentro bunga ng tama ng bala sa kanilang katawan.
Bandang alas-2:00 ng madaling araw kahapon nang magkasa ng buy bust operation ang DEU operative ng SJDM City police sa Barangay Kaypian ng nasabing lungsod laban sa dalawang suspek ngunit nakatunog ang mga suspek kaya kapwa bumunot ng baril at nanlaban kaysa sumuko kaya kapwa napatay sa maikling palitan ng putok.
Nakarekober ang Bulacan Scene of the Crime Operatives (SOCO) team ng dalawang kalibre 38 revolver, 23 pakete ng shabu, buy bust money at isang motorsiklo na ginagamit ng dalawang tulak sa kanilang illegal drug operation.
Samantala, nadakip sina Redentor Bigletez, alyas Ding, 57; James Allen Villanueva Marvin Anthony Del Carmen; at Dion Josonat Carlo Pamison pawang nasa watchlist.
Ayon kay P/Lt.Col.Victorino Valdez, Chief of Police ng Plaridel police station, bandang alas-8:00 ng gabi nang magkasa ng buy bust operation ang DEU-Plaridel sa Barangay Banga 1st, Plaridel at dito sunod-sunod na nasakote sa tatlong operasyon ang limang suspek na siyang source ng droga sa lugar partikular ng mga jeepney driver na bumabatak kapag bumibiyahe sa madaling araw at gabi.
Narekober sa mga suspek ang kabuuang 68 pakete ng shabu at buy bust money at nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165. MARIVIC RAGUDOS