2 TULAK KALABOSO SA P272-K SHABU

ARESTADO ang dalawang listed na drug pusher matapos makumpiskahan ng halos P.3 milyon ha­laga ng shabu sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Pinuri ni Northern Police District (NPD) Director BGen Ulysses Cruz ang District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa ilalim ng panumuno ni Col. Renato Castillo sa matagumpay na drug operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jayson Ben Bisnar alyas “Venzon”, 37-anyos, residente ng Libis Talisay, Brgy. 12, at Jeffrey Estallo alyas “Pilay”, 31-anyos ng PNR Compound, Brgy. 73.

Naaresto ang mga suspek ng mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni SMS Michael Tagubili matapos magbenta ng P2,500 halaga ng shabu sa isang pulis na umakto bilang poseur buyer sa buy bust operation sa Basketball Court, Julian Felipe St., Brgy. 8 ng lungsod bandang alas-12:50 Sabado ng madaling araw.

Nakumpiska ng mga operatiba ng DDEU sa mga suspek ang aabot sa 40 gramo ng shabu na may stan­dard drug price P272,000.00 at buy bust money na isang tunay na P500 at apat na pirasong P500 boodle money.

Sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek. VICK TANES