2 TULAK TIKLO SA BUY BUST

KULUNGAN ang bagsak ng dalawang tulak ng ilegal na droga matapos masakote sa isinagawang buy bust operation at makumpiskahan ng 500 gramo ng marijuana sa Malabon City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina David Kumar Geñorga, 21-anyos at Vida Sandra Devanadera, 21-anyos, kapwa ng Bagong Barrio, Caloocan City.

Ayon kay SSg Salvador Laklaken Jr., dakong ala-6 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni Lt Alexander Dela Cruz ng buy-bust Operation sa Bagong Lote st., Brgy. Potrero kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P4,000 halaga ng droga.

Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng isang brick ng pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops ay agad silang sinunggaban ang mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit kumulang sa 500 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops na may standard drug price P60,000 at buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 3 pirasong P1,000 boodle money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. VICK TANES