ZAMBOANGA CITY- DALAWA katao ang nasakote kasabay ng pagkakasamsam ng P34 milyong halaga ng shabu sa isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad kamakalawa sa lalawigang ito.
Ayon kay Zamboanga City Police Office (ZCPO) Director Col. Alexander Lorenzo, pansamantala hindi na muna pinangalanan ang dalawang suspek na naaresto para kanilang isasagawang follow-up operation.
Ang mga suspek ay nasakote bandang alas-12 ng hatinggabi sa Gonzalez Drive Barangay Mercedes, Zamboanga City.
Nasamsam ng mga operatiba sa pag-iingat ng mga suspek ang humigit kumulang sa limang kilo ng shabu na tinatayang aabot sa P34 milyon ang halaga.
Sinabi ni Lorenzo, nakatanggap sila ng report hinggil sa talamak na ilegal na bentahan ng shabu sa nasabing lungsod.
Katuwang ang Intelligence units ng Western Mindanao Command at Philippine Drug Enforcement Agency-9, (PDEA) nang masakote ang mga suspek makaraang kumagat sa pain ng mga nagpanggap na buyer ng operatiba.
Nakakulong ngayon sa detention facility ng Zamboanga CPO ang mga suspek habang ihinahanda pa ang kaukulang kaso na isasampa laban sa mga ito.
EVELYN GARCIA