AABOT sa P680-K halaga ng shabu ang nasabat sa dalawang tulak matapos matimbog sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City.
Kinilala ni District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) chief Lt. Col. Renato Castillo ang naarestong mga suspek na sina Marlon Mendoza, 25-anyos, (Listed/HVI), online seller ng No.58 Quatro De Julio St., Galas, Quezon City at Paul Romeo Llacer alyas “Koykoy”, 26-anyos, (Listed/HVI) ng No. 748 Guido 1 St., Gagalangin, Tondo Manila.
Ayon kay Castillo, isinagawa ng mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni Maj Amor Cerillo ang buy bust operation sa Guido 1, Corner A. Mabini St. Brgy. 133, Caloocan City kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P7,500 halaga ng shabu.
Nang matanggap ang pre-arranged signal mula sa poseur-buyer na hudyat na tapos na ang kanilang transaksyon ay agad lumapit ang back-up na mga operatiba saka sinunggaban ang mga suspek.
Nakumpiska ng mga operatiba sa mga suspek ang tinatayang nasa 100 gramo ng shabu na may standard drug price P680,000.00, buy bust money na isang P500 bill at pitong P1,000 boodle money, belt bag at Honda Click motorcycle.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. VICK TANES