CAVITE – Kalaboso ang binagsakan ng dalawang drug courier makaraang makumpiskahan ng P680K halaga na shabu sa inilatag na buy-bust operation ng mga awtoridad sa bahagi ng Brgy. Salawag, Dasmarinas City kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang mga suspek na sina Faisal Nasroding y Barani, at Cecilia Masik y MNU, kapwa nakatira sa Brgy. Datu Esmael sa nasabing lungsod.
Sa police report mula sa Camp Pantaleon Garcia, isinailalim sa surveillance ang mga suspek matapos makatanggap ng impormasyon ang PDEU Cavite kaugnay sa drug trade ng dalawa.
Gayunpaman, inilatag ng pinagsanib puwersa ng RPDEU 4A, PDEU Cavite, PDEA 4A at Dasmariñas CPS ang buy-bust operation sa pakikipag-ugnayan sa PDEA kaya nasakote ang mga suspek.
Nasamsam sa dalawa ang 2 transparent plastic bag na naglalaman ng shabu na may 100 gramo at may street value na P680,000.00; isang genuine P1,000.00 bill kasama ang 99 pirasong pekeng P1,000 na ginamit sa anti-illegal drug operation at isang brown sling bag.
Isinailalim na rin sa drug test ang dalawa habang pina-chemical analysis ang 100 gramo na shabu na gagamiting ebidensya sa pagsasampa ng kaukulang kaso. MHAR BASCO