NASAKOTE ang dalawang tulak ng ilegal na droga na kapwa itinuturing bilang high value individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P1.3 milyon halaga ng shabu makaraang maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Maj Dennis Odtuhan ang mga naarestong suspek na sina Kristine Macala alyas “Tintin”, 28-anyos ng No.128 Samson Road, Brgy. 73, at Von Eric Adorable alyas “Von”, 23-anyos ng No.194 Malonzo St., Brgy. 74.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) BGen Ponce Rogelio Penones Jr, sinabi Maj Odtuhan na dakong alas-11:25 ng gabj nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni SMS Michael Tagubilin ng buy bust operation sa Velasco St., Brgy 7, Caloocan City matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta umano ng shabu ang mga suspek.
Nagawang makipagtransaksyon ng isang pulis na nagpanggap na buyer sa mga suspek ng P10,500 halaga ng droga at nang tanggapin ng mga ito ang markadong salapi mula sa poseur buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad silang inaresto ng mga operatiba.
Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong knot tied transparent plastic bag at isang medium size heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng humigi’t kumulang 205 gramo ng shabu na may Standard Drug Price (SDP) value na P1,394,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang 10-pirasong P1,000 boodle money, digital weighing scale at Eco Bag.
Kakasuhan ng pulisya ang mga suspek ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
EVELYN GARCIA