2 TULAK TIMBOG SA P6.8 M SHABU

LAGUNA-UMAABOT sa isang kilo ng shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang magkahiwalay na anti narcotic operation na inilunsad sa lalawigang ito at Quezon City na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang drug personalities.

Ayon sa ulat na isinumite kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, nasabat ng PDEA Regional Office IV-A, RSET ng Laguna Provincial Office (PO) ang P 3.4 milyong halaga ng shabu sa inilatag na buy-bust operation sa Parking Lot sa harapan ng FMAS, South Hampton Brgy. Balibago, Sta Rosa , Laguna bandang alas 9:45 kamakalawa ng gabi.

Batay sa report ng PDEA Regional Special Enforcement Team kay PDEA Regional Director Juvenal Azurin ay kinilala ang naaresto na si Fedencio Alvear y Guzman na nahulihan ng kalaha­ting kilo ng shabu na may street value na aabot sa P3,400,000.00.

Kasalukuyang sumasailalim sa follow up investigation ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong pabag ng Sec. 5 Art. II of RA 9165.

Kasabay nito, sa gitna ng kasagsagan ng buhos ng ulan, isang buy bust operation din ang inilunsad nang pinagsanib na puwersa PDEA Regional Office -NCR Quezon City Distric Office at ng QCPD PS-7 na nagresulta ng pagkakakumpiska sa may 500 gramo ng shabu sa isang 46-anyos na drug suspect.
Sa report ni PDEA Agent Champ Sulit, IA-V Team leader ng PDEA RO-NCR agent kay PDEA Regional Director Christian Frivaldo, nadakip ang suspek na si Geraldo Manard Y Villacorte, tricycle driver ng 44 P Rosales St. Santa Ana, Pateros.

Bandang ala-6:40 kamakalawa ng hapon isinagawa ang buy bust sa kahabaan ng Edsa Northbound sa harapan ng EDSA Canvass & Upholstery Supply 690 Edsa Barangay E. Rodriguez, Quezon City.

Nakumpiska sa drug operation ang isang black paper bag labeled na naglalaman ng isang brown envelope na may laman naman na isang transparent ziplock plastic kung saan nakalagay ang 500 gramo ng shabu na may street value P3.4 milyon bukod sa buy bust money at Isang ID ng suspek.

Nabatid na kalalabas lamang ng suspek sa kulungan noong Disyembre 2020 dahil sa kasong RA 9165 na lumawak ang kanyang kontak at pinasok na ang pagbebenta ng droga mula sa mga kaibigan tsinoy sa loob ng kulungan. VERLIN RUIZ

64 thoughts on “2 TULAK TIMBOG SA P6.8 M SHABU”

Comments are closed.