DALAWANG hinihinalang drug pusher ang napatay at 17 iba pa ang naaresto sa drug buy bust operations na isinagawa ng pulisya kahapon sa Pulilan, Bulacan.
Ayon kay PCol. Chito Bersaluna, provincial director ng Bulacan-PNP, napatay sina Benjie Vertudaza alyas Benjie, at Carlo Garga alyas Carlo, kapwa kabilang sa drug watchlist ng Pulilan Municipal Police Station nang manlaban sa mga pulis.
Nabatid na dakong 1:15 ng umaga nang magsagawa ng drug buy bust operation ang mga operatiba sa Brgy. Sto Cristo, Puli-lan, nang makatunog ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon kaya nagsibunot ng baril at nagpaputok.
Gumanti ang mga pulis kaya napatay ang dalawang suspek at nakumpiska sa kanila ang dalawang kalibre. 38 revolver, siyam na plastic sachet ng hinihinalang shabu, drug buy bust money at isang puting SYM Motorcycle na walang plaka.
Naaresto naman ang 17 hinihinalang tulak ng bawal na gamot sa Meycauayan, San Jose Del Monte, Bocaue, Hagonoy, San Rafael at Baliwag na dinala na sa Camp Alejo Santos para masampahan ng kaukulang mga kaso. A. BORLONGAN
Comments are closed.