2 TULAK TODAS, 6 PA NADAKIP SA BUY BUST OPS

patay

BULACAN – DALAWANG hinihinalang tulak ng shabu ang napatay at anim na iba pa ang naaresto sa patuloy na buy bust operations kahapon.

Ayon kay PCol. Chito Bersaluna, hepe ng Bulacan PNP, napatay sina Roberto Dela Peña alyas Obet, 32, residente ng Brgy. Sta. Clara, Sta. Maria, at Richard Alabado, alyas Richard, 23, residente ng Brgy. Bagbaguin, Sta. Maria, kapwa sa Bulacan.

Sa ulat ni P Lt. Col. Carl Omar Fiel, hepe ng Sta. Maria Police, bandang alas-2:00 ng umaga nang magsagawa ng buy bust operation laban kina alyas Richard at alyas Obet ang mga pulis sa hina­lang sila ang nagtutulak ng shabu sa Barangay Poblacion, San Gabriel at Caysio, Sta. Maria, Bulacan.

Nanlaban ang dalawang suspek kaya napatay ng mga pulis at nakumpiska sa kanila ang isang Smith and Wesson kalibre .38 revolver, isang Armscor kalibre .45 pistola, 13 plastic sachet ng shabu at drug buy bust money.

Anim na hinihinalang tulak naman ang naaresto sa Santa Maria, Bocaue, San Jose del Monte City at Bustos na dinala na sa Camp Alejo Santos sa Malolos City para masampahan ng kaukulang kaso. A. BORLONGAN