MAAARING lumala pa ang trapik sa Metro Manila dahil sa pagsasara ng Estrella-Pantaleon Bridge at Sta. Mesa Bridge ngayong buwan, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ang Estrella-Pantaleon Bridge na nagkokonekta sa Mandaluyong City at Makati City ay nakatakdang kumpunihin, habang ang lumang Sta. Mesa Bridge na nagdurugtong sa San Juan City at Quezon City ay isasara sa loob ng pitong buwan upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng Skyway Project.
Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na walang magiging bagong traffic schemes, kundi mahigpit na pagpapatupad lamang sa pag-aalis ng mga sagabal sa lahat ng posibleng alternate routes para sa mga motorista.
“This month, ang Estrella Bridge magsasara ‘yan so just imagine saan pupunta ‘yan… dumadaan diyan 100,000 a day so imagine saan pupunta ‘yan? EDSA na naman,” pahayag ni Garcia sa Operational Readiness, Safety, Inspection Traffic Evaluation (ORSITE) event ng MMDA sa Quirino Grandstand sa Maynila kahapon.
Nauna rito ay inirekomenda ng MMDA ang pagtataas ng multa sa illegal parking at sa mga makasasagabal sa daloy ng trapiko, lalo na sa Mabuhay Lanes o mga alternatibong ruta na nagkokonekta sa EDSA.
Samantala, mahigit sa 2,000 MMDA enforcers ang nagtipon-tipon sa Quirino Grandstand upang tumanggap ng awards para sa kanilang accomplishments.
Comments are closed.