DALAWANG tulay sa Visayas at Mindanao sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ program ng administrasyong Duterte ang popondohan ng official development assistance (ODA) loan mula sa China.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, ang Davao-Samal Bridge project sa Mindanao at ang Panay-Guimaras-Negros Interisland Bridge project sa Western Visayas ay ang dalawang iba pang nakahanay na proyekto para sa posibleng pagpopondo ng China.
Ang Davao-Samal Bridge project ay tinatayang nagkakahalaga ng P9 billion, at may habang 4.4 kilometers, habang ang Panay-Guimaras-Negros Interisland Bridge project ay may dalawang bahagi — 4.3-kilometer Panay-Guimaras link at 5.7-kilometer Guimaras-Negros link — at tinatayang nagkakahalaga ng P40 billion.
“We want to assure you that the funds provided by the Chinese people through the Chinese government are going to be used to the benefit of the Fil-ipino people,” wika ni Dominguez.
Si Dominguez ay bumisita kay People’s Republic of China Vice President Wang Qishan, kung saan nagkaloob siya ng updates sa mga proyektong pang-imprastraktura na ipinatutupad ng administrasyong Duterte at may funding support mula sa China.
Ang Chinese-funded projects ay kinabibilangan ng Binondo-Intramuros at Estrella-Pantaleon Bridges na ipinatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at pinondohan ng 397 million renminbi ($63.13 million) grant mula sa China.
Ang China ay nagkaloob din ng $62.09-million loan para sa Chico River Pump Irrigation Project at $211.21-million loan para sa konstruksiyon ng New Centennial Water Source-Kaliwa Dam.
“We have been meeting with the Ministry of Commerce of China for the past two years, and we have made a lot of progress with our actual official development assistance relations with China,” ani Dominguez.
Sinabi pa ng kalihim na pinag-uusapan na rin ng Filipinas at China ang pagsisimula ng implementasyon ng dalawang rail projects, ang Subic-Clark Railway project sa Luzon at ang Mindanao Railway project.
Sa hiwalay na pagpupulong, pinangunahan ni Finance Undersecretary Mark Dennis Joven ang Philippine delegation sa pagtalakay sa mga opisyal ng Export-Import Bank of China (China-EXIM) at ng China International Development Cooperation Agency (CIDCA) ng kalagayan ng karagdagang ‘Build, Build, Build’ projects na ipinanukala para pondohan ng China.
“Both sides discussed the updates of ongoing projects, as well as those in the pipeline. The Chinese side also conveyed its continuing commitment to support the infrastructure projects of the Philippines, including its openness to provide available sources of financing for other projects,” wika ni Joven matapos ang pakikipagpulong sa mga opisyal ng China-EXIM, sa pangunguna ng presidente nito na si Zhang Xingsong.
Comments are closed.