2 UMIHI SA PADER BINARIL NG RIDING IN TANDEM

umihi sa pader

ILOILO – INAALAM pa ng pulisya ang dahilan sa likod nang naganap na pamamaril sa dalawang lalaki na umiihi lamang sa pader na ikinasawi ng isa habang nilalapatan pa ng lunas sa pagamutan ang kasama nito sa bayan ng Mandurriao, Iloilo City.

Sa report ng Mandurriao Police Station, patay ang hindi pa nakikilalang biktima habang sugatan naman ang kasama nito nang barilin sila kama­kalawa ng gabi sa isang eskinita sa Barangay Taft North sa Mandurriao.

Lumalabas sa pagsisiyasat na umiihi umano ang dalawa sa pader nang  lapitan ng armadong lalaki na nakaangkas sa isang motorsiklo at saka pinagbabaril ang mga biktima.

Nakita ng ilang saksi na bumaba sa sinasakyang motorsiklo ang suspek at pumasok sa eskinita at saka pinuntirya ang isa sa mga biktima habang nahagip din ng pung­lo ang isa pa. Mabilis namang tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo nito.

Ayon kay Police Maj. Marlon Valencia, nagtamo ng multiple gunshot wounds sa katawan ang nasawing biktima habang ligtas naman ang isa pa na tinamaan sa paa.

Kasalukuyang nagsasagawa ng background check ang mga imbestigador hinggil sa character ng mga biktima habang pilit na inaalam ang pagkaka­kilanlan ng mga suspek. VERLIN RUIZ

Comments are closed.