2 WANTED NA CHINESE IPADE-DEPORT

bureau of immigration

NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Binondo, Manila ang dalawang puganteng Chinese national na wanted dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa economic crimes sa China.

Kinilala ni Immigration Spokesperson Dana Krizia Sandoval ang mga suspek na sina  Fu Hanzhou, 42-anyos at Huang Meizhen, 37-anyos, at naaresto ang mga ito ng mga  tauhan ng Fugitive Search Units ng BI nitong Oktubre 4, sa may Legarda St., Binondo, Manila.

Ayon kay Sandoval, agad na ipade-deport ang dalawa dahil sa pagiging  undesirable at undocumented aliens, sapagkat nakarating sa kaalaman ng Immigration na pinawalang bisa o kinansela ng Chinese government ang kanilang mga pasaporte.

Pansamantalang nakakulong sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Ta­guig City ang dalawa habang naka-pending ang kanilang deportation order sa BI Board of Commissioner.

Ayon sa pahayag ni BI FSU Chief Bobby Raquepo, sina Fu at Huang ay naaresto makalipas ang isang linggo  ng pagkakaaresto sa kanilang kasamahan na si Lian Lilong, 36-anyos, sa tinutuluyan niyang hotel sa Binondo.

Dagadag pa ni Raquepo na nagsabwatan ang tatlo sa credit card fraud scheme na ginamit ng mga ito upang makapambiktima ng kapwa Chinese.

Patuloy na pinaghahanap  ng mga tauhan ng FSU ang dalawa pang kasamahan ng mga ito para papanagutin ng Chinese  government sa mga kasong kinasasangkutan.   F MORALLOS

Comments are closed.