2 WANTED NA RAPISTS NADAKIP SA CALOOCAN AT VALENZUELA

ARESTADO ang dala­wang rapists na kabilang sa mga Most Wanted Persons (MWP) sa siyudad ng Caloocan at Valenzuela.

Sa ulat, unang nadakip ng mga tauhan ni P/Col. Ruben Lacuesta, hepe ng Caloocan Police, ang lalaking nahaharap sa dalawang bilang na kasong panggagahasa dakong alas-11::25 ng gabi sa Diamante St. Brgy 170, matapos siyang matunton ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section, sa pangunguna ni P/Maj. Jeraldson Rivera, hepe ng Investigation and Detective Management Section (IDMS).

Sinabi ni Lacuesta na pang-anim sa tinaguriang MWP ang nadakip nilang rapist sa bisa na rin ng warrant of arrest na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Judge Ma. Teresa De Guzman Alvarez ng Branch 131 noong Hunyo 14, 2023.

Dakong alas-8:00 ng umaga nang isilbi naman ng mga tauhan P/Lt. Ronald Bautista, hepe ng Warrant and Subpoena Section, ang warrant of arrest na inilabas ni Judge Mateo B. Altarejos, Acting Presiding Judge ng Valenzuela RTC Branch 172 para sa anim na bilang na Statutory Rape in relation to R A.7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, isinilbi ang arrest warrant sa akusado sa loob ng custodial facility ng Valenzuela CPS matapos unang mahuli ang akusado sa hindi nabanggit na kaso.
EVELYN GARCIA