2 WANTED SA FRAUD SYNDICATE LAGLAG SA BI FSU

ISANG Koreano at isang Hapones na mga wanted na pugante sa kanilang mga bansa ang inaresto at ipapa-deport ng Bureau of Immigration (BI) dahil sila ay itinuturing na mga ‘undesirable aliens.’

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ang dalawang dayuhan ay nahuli sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng mga operatiba ng BI’s Fugitive Search Unit (FSU) nitong Setyembre 30 at Oktubre 1 sa Metro Manila.

Ang Koreano na kinilalang si Hwang Seongbin, 34, ay inaresto sa Rockwell Drive, Bgy. Poblacion, Makati City habang ang Hapones na si Sasaki Yohei, 36, ay nadakip sa Mercury Street, Bahay Toro, Quezon City.

Ang dalawang dayuhan ay inaresto batay sa mga mission orders na inisyu ni Viado sa kahilingan ng mga pamahalaan ng South Korea at Japan ng kanilang deportation upang sila ay humarap sa kaso sa kanilang mga bansa.

Si Hwang na may Interpol red notice at warrant of arrest mula sa Eujeong district court sa Korea ay wanted umano dahil sa pagkakasangkot sa isang stock investment scam na kanyang isinagawa bilang presidente ng isang financial institution.

Inakusahan siya ng panlilinlang sa kanyang mga biktima na mag-invest sa scam na nagdulot ng pinagsamang pagkatalo ng 100 milyong won o higit US$75,000.

Samantala, si Yohei ay may aktibong warrant of arrest na inisyu ng Omiya summary court sa Saitama, Japan kung saan siya ay kinasuhan ng panloloko sa isang matandang biktima sa isang nursing home kung saan siya nagtatrabaho bilang staff.

Inakusahan si Yohei na hinikayat ang biktima na mag-invest ng higit 3 milyong yen sa isang pekeng kontrata.

Bukod dito, si Yohei ay miyembro umano ng isang Cambodia-based telecom fraud syndicate na sangkot sa kidnapping, illegal detention, extortion at pandaraya.

Nalaman na ilang mataas na miyembro ng sindikato ang naaresto na sa mga naunang operasyon ng BI-FSU.

Sinabi ng ahensya na ang dalawang dayuhan ay ide-deport pagkatapos maglabas ng kautusan para sa kanilang summary deportation mula sa Board of Commissioners at pagkatapos ay ilalagay sa blacklist at pagbabawalang makapasok muli sa bansa.

Sa kasalukuyan ang mga ito ay nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang mga proseso ng deportation.

RUBEN FUENTES