MAGKASUNOD na nilamon ng apoy ang dalawang bodega sa Engineering Road, Barangay Potrero sa Malabon City nitong Bagong Taon.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), pasado ala-1 ng madaling araw nagsimula ang sunog sa isang bodega na naglalaman ng shopping parcel items.
Kaya ganito kalaki ang apoy na na-encounter namin [ay dahil] light materials, highly flammable ‘yung iba,” ayon kay FSSupt. Douglas Guiyab, District Fire Marshal ng Fire District II.
Pero ayon kay Jaymar Roa Rama, katiwala ng naturang warehouse, nadamay lang ang kanilang bodega at nagsimula ang apoy sa isa pang katabing bodega ng garments.
Nung nakita ko, mabilis na po ‘yung apoy. Galing kabilang side sa garments. Tapos dumating po ‘yung amo ko, may dala kaming fire extinguisher, hindi na po kaya ‘yung apoy,” kwento ni Rama.
Pahirapan ang pag responde ng mga bumbero dahil bukod sa mabilis na pagkalat ng apoy, magkakasunod din ang responde nila ng sunog sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Umabot sa Task Force Alpha ang sunog kung saan hindi bababa sa 35 fire truck ang kinailangang rumesponde.
“In a normal situation, hanggang 4th alarm lang siya ang estimated namin. Because of the multiple response of our fireman in different cities, kaya tumaas siya,” sabi ni FSSupt. Guiyab.
Tumagal ng halos apat na oras bago idineklarang kontrolado na ang sunog.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa pinagmulan ng sunog at hindi nila inaalis ang posibilidad na sa paputok ito nagsimula.
Inaalam pa rin nila ang kabuuang halaga ng napinsalang ari-arian.
Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente. EVELYN GARCIA