2 WEEKS ECQ NAGING EPEKTIBO (COVID-19 trend bababa)

INIHAYAG ng OCTA Research Group na naging epektibo ang dalawang linggong istriktong lockdown o enhanced community quarantine (ECQ) na ipinairal ng pamahalaan sa NCR Plus areas kaya’t inaasahan nilang unti-unti nang bababa ang COVID-19 trend sa mga naturang lugar sa susunod na linggo.

Ayon kay Guido David, ng OCTA Research Group, mula sa dating 1.88 ay naging 1.24 na ang reproduction number ng COVID-19 o yaong bilang ng mga taong naihahawa ng isang pasyente ng sakit dahil sa ipinatupad na 2-week ECQ mula Marso 29 hanggang Abril 11.

Gayunman, sinabi ni David na hindi pa rin naman masasabing napa-flatten na ang kurbada ng COVID-19 cases ngunit nakitaan na rin naman aniya ng pagbaba ng mga kaso ang ilang lungsod sa Metro Manila, kabilang na ang Pasay at Marikina.

Umaasa naman si David na magtutuloy-tuloy na ang trend at unti-unting bababa ang reproduction number sa 1 hanggang sa susunod na linggo.

“Effective naman ang ECQ kasi nakita nating bumaba ang reproduction number sa NCR…’Di pa masasabing nagfa-flatten na ang curve kasi 1.24 pa ang reproduction number pero may ilang lungsod sa Metro Manila na pababa na katulad ng Pasay at Marikina bumababa na ang cases doon,” aniya, sa panayam sa telebisyon.

“Nakikita natin magpapatuloy ang trend, we’re hoping bumaba na siya to 1 by next week, by Sunday,” aniya pa.

Kaugnay nito, hinikayat muli ni David ang publiko na ipagpatuloy ang pag-obserba sa health protocols lalo na at mas mabilis makahawa ang mga bagong variants ng COVID-19 na nasa bansa.

“Mas malala itong spike na ito, umabot na tayo ng 5,000 cases sa NCR. Nu’ng August, 2,000 cases lang, 2,400, hindi tayo lumagpas ng 3,000 sa NCR,” aniya pa. “Nakita natin mas maraming nahawa din na 0-17 (years old), ang dahil dito nga sa nakikita natin, ‘yung mga variant, mas nakakahawa sila at mas infectious pati sa mga minor.” Ana Rosario Hernandez

4 thoughts on “2 WEEKS ECQ NAGING EPEKTIBO (COVID-19 trend bababa)”

  1. 140402 189269thank you dearly author , I discovered oneself this web internet site extremely valuable and its full of outstanding healthy selective information ! , I as properly thank you for the fantastic food strategy post. 199348

Comments are closed.