ISASAILALIM sa dalawang linggong lockdown ang buong Navotas City matapos lagdaan ni Mayor Toby Tiangco ang Executive Order (EO) No. TMT-038, series of 2020 na magsisimula sa Hulyo 16 hanggang Hulyo 29.
Ayon sa alkalde, kinailangan ang lockdown dahil mula nang lumuwag ang community quarantine ay biglang lumobo ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod na umabot na sa 981 na kumpirmadong kaso.
Dahil sa pagdami ng pasyente, napuno na ang community isolation facilities ng lungsod kaya’t kinailangan nang magpadala ng mga pasyente sa We Heal As One Centers dahil maging ilang mga ospital sa Metro Manila ay umabot na rin sa full capacity.
“Umaasa po tayo na sa pamamagitan ng lockdown, mapabagal natin ang pagtaas ng kaso sa ating lungsod. Ang paglalagay ng limitasyon sa galaw ng mga tao ay makatutulong para mapigilan ang pagkalat pa ng nakamamatay na virus,” ani Tiangco.
Nakasaad sa EO na ang mga residente sa bawat barangay ay may nakatakdang araw lamang para lumabas ng bahay at mamalengke o mamili ng groceries, gamot at iba pang pangangailangan. Ang mga may hawak ng home quarantine pass lamang ang puwedeng lumabas na may suot na face mask.
Alinsunod sa kautusan, Lunes, Miyerkoles at Biyernes maaaring lumabas ang mga taga- SRV, NBBS Kaunlaran, Bangkulasi, BBS, Navotas East, Sipac-Almacen, Daanghari, Tangos North, at Tanza 1, habang Martes, Huwebes at Sabado naman ang araw para sa mga taga-NBBS Proper, NBBS Dagat-Dagatan, NBBN, BBN, Navotas West, San Jose, San Roque, Tangos South, at Tanza 2. Walang puwedeng lumabas kapag Linggo dahil araw ito ng paglilinis at disinfection.
Gayundin, lahat ng mga palengke, talipapa at grocery stores ay bukas pa rin Lunes hanggang Sabado, 5AM-8PM. Ipatutupad rin ang liquor ban.
Pinahihintulutan ang delivery ng pagkain subalit dapat ay magmumula lang sa Navotas at ang galing sa ibang lungsod ay hindi papapasukin.
Exempted sa lockdown ang frontliners at essential workers. VICK TANES
Comments are closed.