HINIKAYAT ni House Ways and Means Committee chairman at Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang pamahalaan na ilatag na bago matapos ang taon ang malinaw na mga hakbang kaugnay sa tinatawag niyang ‘20-20-20 do-or-die economic goals’ ng Filipinas para makasabay ito sa iba pang mga bansa sa parating na bagong dekada.
Ayon kay Salceda, ang ‘20-20-20’ target ng bansa ay simpleng malalagom gaya ng mga sususunod: ‘20% corporate income tax,’ 20 milyong bago at mataas na antas ng trabaho sa susunod 10 taon, at US$20 bilyong ‘Foreign Direct Investments’ o dayuhang pamumuhunan sa bansa taon-taon.
“Ito ang pinakamababang dapat matamo ng bansa dahil kritikal sila sa makabagong ‘globalized economy’ kung saan higit na matindi ang kumpetisyon. Kung hindi natin matatamo ang mga target na ito, kalimutan na matin ang ambisyong mapataas ang antas ng ating pambansang ekonomiya,” madiin paliwanag ni Salceda.
Ang pagsasabatas ng matagal nang naantalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na magbibigay ng $20-bilyong FDI ang pinakamadaling maisasagawa. Malaki rin ang maitutulong nito para mapababa sa 20% ang corporate income tax (CIT) sa 2027.
Hindi rin ito dapat mahiwalay sa mga fiscal incentive para sa dayuhang mga mamumuhunan, na ang matagal na pagkaantala ay dahilan ng kabiguan ng inaasahang $20-bilyong taunang FDI, dagdag niya.
Sinabi ng ekonomistang mambabatas na “lubhang kailangan natin ang mga ito, lalo na ang malakihang mga FDI kaya dapat magdesisyon at kumilos tayo. Madaling matupad ang target na $20-bilyong FDI o higit pa lalo na ngayong higit na tumitindi at umiinit ang awayan ng China at US sa negosyo.”
Pinuna ni Salceda na Filipinas ang pinakamahigpit sa FDI, kaya “dapat isabatas na rin agad ang Public Service Act, Foreign Investments Act, at Retail Trade Liberalization Act na gaya ng CREATE ay nakabimbin lahat sa Senado.
Pinuna rin niya na ang karamihan sa mga manggagawa sa bansa ay nasa service sector kaya dapat pataasin ang antas ng kanilang kaalaman at kahusayan upang maging handa sila sa husay na kakailanganin ng nalalapit na ‘digital age’ sa 2030. at matupad ang pangarap na ‘high income status’ para sa Filipinas pagsapit ng 2040.
Bukod sa mga nabanggit, sinabi rin ni Salceda na sisikapin niyang gawing prayoridad ng pamunuan ang pagsasabatas ng iba pang panukalang batas gaya ng 21st Century Skills Act, Financial Technology Industry Development Act, Digital Economy Taxation Act, Satellite Liberalization Act, Faster Internet Act at Comprehensive Education Reform Agenda na lahat ay binalangkas niya.
Comments are closed.