MAGPAPADALA ang bansa ng 20-athletes team sa ninth edition ng Asian Winter Games na iho-host ng China sa ikatlong pagkakataon magmula February 7 hanggang 14 sa winter resort sa lungsod ng Harbin.
Ang misyon? Ang simulan ang paghahanda para sa kauna-unahang Winter Olympics medal para sa Pilipinas.
“We’ve already accomplished the dream in the Summer Olympics—three gold medals in consecutive games,” pahayag ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino sa New Year’s Day nitong Miyerkoles. “And that dream we want to also achieve in the Winter Olympics.”
Walang available accurate records sa kung ilang Filipino winter sports athletes ang sumabak sa unang walong edisyon ng Asian Winter Games, subalit naniniwala si Tolentino na ang team sa Harbin ang posibleng pinakamalaki sa kasalukuyan.
“And our athletes are competing in six of the 11 sports on the Harbin program,” ani Tolentino.
Ang curling, ngayon ay isa sa most-watched winter sports discipline, ang magkakaroon ng pinakamalaking bilang ng atleta sa Harbin na may 10 — Marc Angelo Pfister, Enrico Gabriel Pfister, Christian Patrick Haller, Alan Beat Frei, Jessica Pfister, Benjo Delarmente, Kathleen Dubberstein, Leilani Dubberstein, Sheila Mariano at Anne Marie Bonache.
Ang Curling Winter Sports of the Philippines ay itinatag noong nakaraang taon upang buuin ang ranks ng discipline sa bagong grupo na sasamahan ang Philippine Skating Union at Philippine Ski and Snowboarding Association sa POC roster.
Ang iba pang miyembro ng Team Philippines na pinamamahalaan ni chef de mission Richard Lim ay sina Paolo Borromeo, Aleksandr Korovin, Cathryn Limketkai, Isabella Marie Gamez at Sofia Lexi Jacqueline Frank sa figure skating; Francis Ceccarelli at Talullah Proulx sa Alpine skiing; Laetaz Amihan Rabe sa freestyle skiing; Peter Joseph Groseclose sa short track speed skating at Adrian Tongco sa snowboarding.
Binuhat ni weightlifter Hidilyn Diaz-Naranjo ang unang Summer Olympics gold medal ng bansa sa Tokyo 2020 at nagwagi si gymnast Carlos Yulo ng dalawang gold medals sa Paris 2024, kapwa sa ilalim ng pangangasiwa ni Tolentino sa POC.
“The Winter Olympics are as extremely tough as the Summer Olympics, but we have proven that it could be done,” ani Tolentino.
Ang Italy ang magiging host ng 25th edition ng Winter Olympics sa Milan at Cortina d’Ampezzo mula February 6 hanggang 22 sa susunod na taon.
Animnapu’t apat na events ang paglalabanan sa Harbin, na naging host noong 1996, ang ikalawang pagkakataon matapos ang Changchun 2007 kung saan unang inorganisa ng China ang games.
Ang Japan ang dominant team sa games, kasunod ang China at Kazakhstan.