CAGAYAN – NAGSASAGAWA na ng pag-iikot ang linemen ng Cagayan Electric Cooperative 2 (CAGELCO) para sa clearing operation at assessment sa mga nasirang linya ng mga kuryente.
Nabatid na total blackout ang buong nasasakupan ng CAGELCO 2 na umaabot sa 20 munisipalidad sa Cagayan na binayo ng bagyong Marce at apat na lugar sa lalawigan ng Apayao.
Sinabi ni Engr. Rudolph Adviento, General Manager ng kooperatiba na wala ring supply mula sa 69 KV line ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Batay sa initial report ng linemen, maraming nasira na lateral lines at ilang main lines bunsod ng malalakas na hangin na dala ng bagyong Marce buhat kahapon.
Sinabi ni Adviento na kung malaki ang pinsala sa kanilang mga linya ay posibleng humingi sila ng tulong sa ibang electric cooperative sa ilalim ng Task Force Kapatid para sa pagkukumpuni.
Umaasa si Adviento na hindi matindi ang pinsala ng bagyo at kayang kumpunuhin ng kanilang linemen at mabilis na maibalik ang supply ng kuryente sa kanilang nasasakupan.
Posibleng abutin ng isang linggo ang pagkukumpuni at maibalik ang supply ng kuryente sa lahat ng kanilang member consumer.
EVELYN GARCIA