ISABELA-NABABAHALA ang pamunuan ng Mabuwaya Foundation dahil sa patuloy na nababawasan ang bilang ng kanilang mga alagang Buwaya sa Crocodile Santuary sa San Mariano sa lalawigang ito dahil sa mga nararanasang malawakang pagbaha nitong mga nakalipas na taong 2020.
Ayon kay Maritess Balbas ng Mabuwaya Foundation-Isabela, sa kanilang minimum count noong buwan ng Setyembre 2020 ay 32 ang bilang ang kanilang inaalagang buwaya subalit, noong buwan ng Disyembre 2020 ay natuklasan nilang 10 na lamang ito.
Paniwala ng pamunuan ng nasabing foundation na maaring nakawala sa kanilang pangangalaga ang nasabing mga buwaya nang naanod ang mga ito dulot ng naranasang pagbaha at posibleng napadpad sa ibang lugar sa mga ilog na sakop ng lalawigan ng Isabela.
Kaugnay nito, nagsasagawa ng paghahanap ang nasabing foundation sa mahigit 20 buwaya na nakawala sa kanilang pangangalaga kasabay naman ng panawagan ni Balbas sa publiko na kung may makitang mga buwaya ay huwag itong patayin o guluhin at ipagbigay alam lamang sa kanilang tanggapan.
Aniya, hindi naman umanong nangangain ng tao ang nasabing uri ng buwaya dahil hindi ito kasama sa kanilang diet.
Ang buwaya sa sanctuary sa San Mariano ay tinawag na Philippine freshwater crocodile, kung saan ay maliliit na uri ng buwaya lamang ang mga ito na ang kanilang maximum size ay 3.1 meters kung ikukumpara sa ibang uri ng buwaya. IRENE GONZALES
Comments are closed.