20% DISCOUNT SA PASAHE NG ESTUDYANTE IPINAALALA NG LTFRB-2

bayad sa jeep

TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region-2 kaugnay sa ipinatutupad sa 20% discount sa pamasahe ng mga mag-aaral na kailangan na ipa­tupad ng mga driver at ope­rator.

Ayon kay Director Nasrudin Talipasan ng LTFRB Region 2, dapat ibigay nang buo sa mga mag-aaral ang 20% discount sa pamasahe kahit na wala silang ID basta sila ay mapatunayang mag-aaral.

Aniya,  kahit bakasyon at holiday ay ipinatutupad ang diskuwento bilang tulong sa mga mag-aaral at magulang.

Maaari aniyang isumbong sa kanilang tanggapan ang mga namamasadang hindi nagbibigay ng diskuwento sa mga mag-aaral, dahil marami umano ang nakararating sa kanilang tanggapan na hindi tinutupad ng karamihang namamasada ang 20% discount sa mga mag-aaral.

Maaari itong iparating sa pamamagitan ng pagpunta sa kanilang tanggapan, sa sulat, social media sa pamamagitan ng paghanap sa account ng LTFRB Region 2 sa facebook o sa email na [email protected].

Ang mga tsuper na lalabag sa nasabing batas ay maa­aring mapatawan ng multang P5,000.00 sa unang paglabag, P10,000.00 sa ikalawang paglabag at P15,000.00 sa ikatlong paglabag.

Maaari ring matanggalan ng prangkisa ang mga tsuper kahit isang araw lang na naganap ang paglabag kung tatlo ang nagreklamong mga mag-aaral.

Hinikayat din niya na kunan ng larawan o video ang paglabag ng mga namamasada upang magkaroon sila ng batayan sa pagsiyasat.   IRENE GONZALES

Comments are closed.