IKINAGALAK ng commuter group na Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP) ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas sa RA 11314 o ang Student Fare Discount Act.
Positibo ang pananaw ni Atty. Ariel Inton, founder ng LCSP, na kung dati ay sa mga public land transportation lang may student discount sa pama-magitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) memorandum circular, ngayon sa ilalim ng bagong batas ay mayroon na rin sa land, sea and air transportation, may pasok man o wala.
Napag-alamang hindi naman kasama rito ang mga post graduate course student tulad ng mga kumukuha ng doctorate law at medisina.
Sa ilalim ng batas ay kinakailangan lamang na may maipakitang valid school ID o current validated form of enrollment at government ID ang isang estudyante para maka-avail ng discount.
Samantala, mabigat naman ang parusa sa mga susuway sa naturang batas na posibleng maharap sa suspension ng driver’s license at multa na mula P5,000 hanggang P150,000.
Kaugnay nito, pinalilinaw ng LCSP bago pa man ang implementasyon ng batas upang hindi magdulot ng kalituhan ang pagbibigay ng 20 porsiyen-tong diskuwento sa hanay ng transport network vehicle services (TNVS), ang usapin ng pagbalangkas ng implementing rules kung lokal na pamahalaan o DILG ang hahawak sa kaso ng tricycles, special trip, pagkontrata sa sasakyan at iba pang isyu.
Dapat din umanong linawin ang pagbibigay ng diskuwento sa mga eroplano at barko, pagkakaroon ng panuntunan kapag may promo, pagbibigay ng diskuwento sa isang pamilya na may maraming anak at iba pa. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.