20 MINOR ADVERSE EVENTS SA PAGBAKUNA NAITALA

NAKAPAGTALA ang Department of Health (DOH) ng 20 minor adverse events following immunization (AEFI) sa unang araw ng pag-arangkada ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan sa bansa nitong Lunes.

Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, kabilang sa adverse events na kanilang naitala ay kinabibilangan ng high blood pressure, pananakit ng injection site, pangangati, pagkakaroon ng rashes, pananakit ng ulo at nausea o pagduduwal.

Paglilinaw naman ni Vergeire, ang mga ito ay pawang pangkaraniwan at minor na adverse events lamang ng bakuna.

Wala rin aniya silang kinailangang dalhin sa pagamutan at matapos na obserbahan ay kaagad na ring pinauwi sa kanilang mga tahanan.

“All of them are common and all of them are minor adverse events,” ani Vergeire, sa isang virtual briefing. “Wala sa kanilang na-admit, lahat sila ay inobserbahan, na-manage, at after a while they were all sent home.”

Idinagdag din niya na ang pamahalaan at hindi ang manufacturer ng bakuna, ang mananagot para sa AEFI dahil ang mga naturang bakuna ay under development pa lamang at mayroong emergency use authorization (EUA).

“Huwag lang merong gross negligence talaga on the part of the manufacturer and also the healthcare worker… Ang gobyerno ang sasagot, magpapagamot, magbabantay, tutulong sa mga taong magkakaroon nitong mga adverse events na ‘to,” paliwanag pa niya.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Vergeire na kontento at masaya ang DOH sa kinalabasan ng unang araw ng vaccine rollout sa ilang pagamutan sa Metro Manila.

Aniya, nakita rin nila na mas marami nang healthcare workers ang nagboluntaryo at nais nang magpaturok ng Sinovac.

Aminado rin naman siya na hindi pa gan’un kataas ang numero ng mga nais magpabakuna, ngunit umaasa sila na darami rin ang mga ito.

“Kumpara doon sa previous days na may mga lumalabas na talagang mataas ang hesitancy, we saw the support and we saw that healthcare workers voluntarily had themselves vaccinated,” ani Vergeire.

“Bagamat ang mga numero natin ay hindi pa ganoon kataas, we are expecting and we are hoping that… we will see an increased uptake of this vaccine.” Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.