GENERAL SANTOS CITY – NASA 20 katao ang posibleng nahawaan makaraang matukoy na nakasalamuha ang nasawing 68-anyos na lolo na nagpositibo sa COVID-19 sa Barangay Bula ng lalawigang ito.
Batay sa ipinarating na ulat ni Dr. Ruth Camarillo (RHU chief), lumilitaw na ang pasyenteng lolo ay na-admit sa ospital noong Agosto 28 matapos magpositibo sa virus hanggang sa namatay kahapon.
Kaugnay nito, tukoy na rin at kasalukuyang naka-quarantine ang 20 katao na sinasabing direktang nakasalamuha ng lolo maging ang secondary contacts nito.
Kasalukuyang ipinatupad ang emergency lockdown sa Zone 2C Block 3 sa nasabing barangay para sa isasagawang contact tracing na may kaugnayan sa nasawing COVID-19 patient.
Samantala, hindi pa kabilang sa tala ng Department of Health Center for Health Development noong Linggo ang namatay na lolo at inaasahang maidadagdag ang naturang kaso sa case bulletin ng ahensiya ngayong araw.
Dahil dito, nakatakdang tumungo sa Gensan si Defense Secretary Delfin Lorenzana bunsod umano ng tumataas na kaso ng COVID-19 sa lungsod, kung saan 6 na ang naitalang patay. MHAR BASCO
Comments are closed.