MISTULANG sumasabay ang Philippine National Police (PNP) sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 bunsod ng mutation nito o mga bagong Omicron subvariant.
Sa datos ng PNP-Health Service hanggang ngayong araw, mayroon pang 20 PNP personnel ang dinapuan ng naturang sakit.
Ito ay kahit fully vaccinated na ng primary doses ang police force habang halos lahat din sila ay tumanggap na ng unang booster shot.
Dahil sa panibagong kaso, pumalo na sa 48,958 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa organisasyon simula noong Marso 2020.
Mayroon namang walong nakarekober kaya ang patuloy pang ginagamot ay 47 pulis pa.
Nananatili naman sa 129 pulis ang nasawi sa coronavirus disease na ang huli ay nitong Abril habang patuloy namang pinag-iingat ng pamunuan ng PNP ang kanilang mga tauhan at bagaman nasa alert level 1 ay sumunod pa rin sa health protocols gaya ng palagiang disinfection o paglilinis ng kamay, social distancing at pagsusuot ng facemask. EUNICE CELARIO