PARAÑAQUE CITY – GINIBA kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nasa 20 tindahan o stalls na halos may 30 taon nang nakaaabala sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng Taft Avenue-Baclaran sa Parañaque City.
Ayon kay Edison “Bong” Nebrija, MMDA Task Force Special Operations commander, alas-7:30 kahapon ng umaga sila nagsimulang magsagawa ng clearing operation mula sa EDSA-Taft hanggang Baclaran, Quirino Avenue, Parañaque City at natapos ito ng alas-12:00 ng tanghali.
Sinabi pa ni Nebrija na ang mga 20 tindahan o stalls na kanilang giniba ay may 30-taon na umanong nakaaabala sa daloy ng trapiko.
Bukod dito ay hinatak at dinala sa impounding area sa bandang Libertad, Pasay City ang nasa 6 na pedicab at e-trike dahil bawal ang mga itong mamasada sa mga pangunahing lansangan tulad ng Taft Avenue.
Tinaboy rin ng MMDA ang mga pasaway na illegal side walk vendors na paulit-ulit na bumabalik sa lugar.
Sabi ni Nebrija na tatlong araw na silang nagsasagawa ng clearing operation sa naturang lugar para higit na paigtingin ang mahigpit na kampanya ng MMDA kontra sa lahat ng uri ng traffic obstructions. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.