DAVAO DEL SUR- LUMABAS sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na halos 200 pekeng birth certificate ang inisyu ng civil registry sa mga Chinese nationals sa Sta. Cruz sa lalawigang ito.
Sinabi ni NBI Region 11 Director Archie Albao na ang mga pekeng dokumento ay inilabas mula 2018-2019.
Ayon kay Albao, nagpapatuloy ang kanilang pagsisikap na imbestigahan ang mga kwestyunableng birth certificates na inisyu sa mga foreign nationals partikular sa mga Chinese.
Nadiskubre ng NBI ang nasabing mga pekeng dokumento sa pamamagitan ng kanilang imbestigasyon gayundin ang pinagsama-samang pagsisikap kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng Philippine Statistics Authority, Bureau of Immigration at local government units.
Iginiit nito na may kaugnayan ito sa pagkakaaresto sa isang Chinese national sa tanggapan ng Department of Foreign Afffairs sa Davao City noong Hulyo 9.
Sinabi ng NBI na ayon sa kanilang operatiba, ang naturang Chinese national ay inaresto dahil sa paglabag sa Passport Law, Falsification of Public Documents , at Concealing True Name.
Ayon pa sa NBI, nakatanggap sila ng tawag mula sa DFA tungkol sa umanoy “peke o counterfeit na mga dokumento tulad ng birth certificate ,identification card at drivers license.
Dinala na sa NBI Southeastern Mindanao Regional Office ang Chinese kung saan siya sumailalim sa booking procedures. PAUL ROLDAN