NAGHAHANAP ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng 200 karagdagang labor inspector para mapalakas ang pag-iinspeksiyon sa mahigit 900,000 establisimiyento sa buong bansa.
Ito’y kasunod na rin ng mas pinaigting pang kampanya ng pamahalaan kontra “endo.”
Layunin ng inspeksiyon na matiyak na nakatatalima ang mga negosyo sa Filipinas sa itinatakda ng Labor Code.
Kaugnay nito, pinangunahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pagpapanumpa sa 35 bagong labor laws compliance officer na ide-deploy sa mga kritikal na lugar sa lalong madaling panahon.
May 12 sa mga bagong inspector ay mga lisensiyadong engineer, tatlo ay kukuha pa lamang ng board examinations, sampu ay mga nurse at tatlo ay nagtapos ng abogasya, habang ang ilan naman ay mga guro, nagtapos ng mga kursong may kinalaman sa negosyo at criminology.
Ang karagdagan pang 200 labor inspector na inaprubahan ni Bello para kunin ay upang mapaigting ang mahigit 500 hanay ng mga labor inspector na naka-deploy na sa buong bansa.
Ang kakailanganing mga bagong labor inspector ay bahagi ng 2,000 bagong inspector na target ng DOLE na kunin para mainspeksiyon ang lahat ng mga establisimiyento sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.