NAKATAKDA nang ipakalat ang may 200 units ng modern jeepneys sa ilalim ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng Department of Transportation (DOTr) bago ang 3rd State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 23.
Ayon kay DOTr Undersecretary Thomas Orbos, ikakalat nila sa pitong ruta sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila ang modernized passenger jeepneys.
Sinabi rin ni Orbos na target ng kagawaran na makapaglabas ng 3,000 units ng bagong jeep bago matapos ang taon, at 180,000 sa loob ng tatlong taon.
Target ng ahensiya na mailatag ang kabuuan ng PUV Modernization Program pagsapit ng 2020.
Naglabas na ng P1.5 bilyon ang Development Bank of the Philippines (DBP) para sa pag-arangkada ng programa.
Sa ilalim nito, papalitan ang mga jeep na may 15 taon at pataas ang tanda ng mga bagong disenyo ng jeep na makatitipid sa langis at environment friendly.
Sisimulan ng DOTr ang paglalabas ng 200 units ng modern jeepneys simula sa susunod na linggo para mapasimulan na ang pagpapalit ng mga lumang pampasaherong jeep ng environment friendly at fuel-efficient units, na may exit door sa gilid. VERLIN RUIZ
Comments are closed.