200 NAGPASAKLOLO, BIKTIMA NG ILLEGAL RECRUITER

ILLEGAL RECRUITER

UMAPELA ng tulong mula sa pulisya ang 200 katao na biktima ng illegal recruiter sa Roxas City, Capiz.

Sinabi ni M/Sgt. Ramil Arc­angeles, public information officer ng Roxas City-PNP, hinikayat ng isang Ramilyn Andrade ng Barangay Bolo, Roxas City ang mga biktima ng magandang trabaho sa South Korea.

Ngunit lumalabas sa imbestigasyon ng mga pulis na si Andrade at si Korean national Kim Tayyong umano’y magkarelasyon at may kinalaman sa isang kompanya na humahanap ng mga factory worker para magtrabaho sa South Korea.

Ineenganyo ni Andrade ang kaniyang mga biktima na mala­king sahod ang naghihintay sa kanila sa South Korea na aabot sa P130,000 kada buwan.

Sinabi ni Arcangeles na hu­mingi ng tulong sa kanila ang 200 na complainant na naloko ni Andrade at Tayyong.

Sa alegasyon ng mga biktima, matapos daw nilang bigyan ng malaking halaga si Andrade bilang bayad sa placement fee, pocket money, terminal fee at insurance ay hanggang ngayon hindi pa sila nakaaalis ng bansa.

Napag-alaman din na tatlong beses sila pinangakuan ni Andrade na matutuloy ang pagtatrabaho nila sa South Korea. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM