NAGKAROON ng trabaho ang 212 Navoteño matapos silang kunin ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas bilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) Workers.
Sa kanilang orientation at contract signing noong Miyerkoles, hinikayat ni Mayor John Rey Tiangco ang mga TUPAD workers na pahalagahan ang kanilang kita at magsikap na makaipon.
“Madaling gastahin ang inyong kita kaya kailangan matuto kayong magtipid at gumastos nang maayos. Kung maaari, magtabi kayo ng bahagi ng inyong suweldo para sa inyong ipon,” ani Tiangco.
Magtatrabaho sa loob ng 15 araw ang mga benepisyaryo ng TUPAD at kikita sila ng P512 na daily minimum wage. Binigyang-diin din niya na higit sa matatanggap na suweldo, ang pagtatrabaho sa TUPAD ay maghahatid ng saya dahil makakapag-ambag sila sa kapakanan ng komunidad.
Tutulong ang mga TUPAD worker sa pagpapaganda at pagmimintina ng mga barangay tulad ng paglilinis ng kanal at coastal cleanup.
“Ang magiging trabaho ninyo, lalo na ang paglilinis ng kanal, ay makatutulong para masigurong hindi babaha sa Navotas kahit may malakas na ulan o high tide,” sabi ni Tiangco.
“Makatutulong din ito para panatilihing ligtas ang ating kapuwa Navoteño, lalo na ang kabataan, mula sa kapahamakan,” dagdag niya.
Hinamon din sila ni Tiangco na magsikap at mag-enrol sa tech-voc courses na handog ng mga training center ng lungsod o magkamit ng diploma sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS).
“Makakapag-aral kayo nang libre sa ating training centers at makakakuha ng certification mula sa TESDA. May mga oportunidad para mapaunlad ninyo ang inyong sarili. ‘Wag kayong mag-atubiling kunin ito,” saad niya.
Samantala, pinasalamatan din ni Tiangco ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa trabahong handog nila sa mga Navoteño.
“Karamihan sa aming nasasakupan ay mga mangingisda na nakadepende ang hanapbuhay sa huli nila araw-araw. Kapag hindi maganda ang panahon o may fishing ban, wala silang mapagkukunan ng kabuhayan at pangsuporta sa kanilang pamilya. Napapanahon lang ang tulong na hatid ng DOLE, sa pamamagitan ng TUPAD,” pahayag ng alkalde.
Karamihan sa mga benepisyaryo, na binubuo ng 156 mga lalaki at 55 mga babae, ay mga mangingisda, porter, fish handler at trader.
Kasama sa mga dumalo sa orientation sina Ronald Del Rosario, Adrian Dumaguit at Joseph Gil Cabrera ng DOLE–CAMANAVA. Naroon din sina Social Security System (SSS) representative Romarie Ann Sevilla, at mga guro ng ALS na sina Cindy Obiena at Shalimar Tamayo para sumagot sa mga tanong tungkol sa SSS membership at ALS enrolment. EVELYN GARCIA
Comments are closed.