200 Obrang “Pagtutol at Pag-asa: Isang Retrospective” ni Imelda Cajipe Endaya sa Bulwagang Juan Luna ng CCP

ni Riza Zuniga

Sa loob ng limang dekada, higit pa sa 200 obra ang kayang ipamalas sa eksibisyon ni Imelda Cajipe Endaya sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Hanggang Disyembre 2022 ang eksibisyon ni Imelda sa Bulwagang Juan Luna.

Ang “Pagtutol at Pag-asa: Isang Retrospective” ay pagmumulat sa publiko ng mga sining na tumutukoy sa panahong malakas ang pagtutol, pangamba at panganib.

Nagdarahop sa dangal at puri, nawawaglit ang munting respeto, pinatatahimik ang nakakarami, tinatangay lang ng hangin ang hinaing at pighati, nawawalan ng katiyakang maging buo muli ang pamilya, makabalik sa normal at mailayo ang lahat sa peligro.

Ang mga ito ay kayang damahin sa bawat naipinta at naiguhit. Sa mga mukha, mata, kamay at katawang naipinta sa kambas, madarama na may kakulangan at dito nagiging makulay at madamdamin ang pagtutol.

Sa bayang hindi gagap ang kalakasan ng kababaihan, magiging masidhi ang pagtutol dahil hindi kinikilala ng lipunan ang papel na gampanin ng babae bilang ina, asawa, OFW, domestic helper; ang kanyang ambag sa lipunan ay hindi matatawaran, hindi maaring balewalain. Laging nakapaloob ang “babae ka lang,” sa lipunang ginagalawan.

Lalo na ang kalagayan ng mga kabataang naipinta sa malalaking kambas, na sa murang gulang ay pinagkaitan ng lipunang maging panatag, masaya, at kilalanin ang karapatang mabuhay, magka-pangalan at magkaroon ng tirahan, edukasyon, proteksyon sa panganib at karapatan sa kalusugan at pagkakaroon ng pamilyang mag-aaruga sa kanya.

Ang mga naipinta at installation art ay naipakita ng buong husay at galing ng mga batang curators na sina Lara Acuin at Con Cabrera, sa pakikipagtulungan sa CCP Visual Arts and Museum Division, sa pangunguna ni Rica Estrada at ng kanyang Team: Vivien Basmayor, Noeny Dimaranan, Adonis Enciso, Orlando Harme, Jr., Abdullah Mapandi, Mercedes Tolentino, Maria Angelica Basa at Rada Depante, gayundin kay Neli Go, Project Coordinator; JC Quirong,Translator; at Auggie Fontanilla, Muralist.

Mapalad ang katulad in Imelda, una, ang kanyang ama ay nagsumikap na magkaroon siya ng etching press noong araw at ang ikalawa, ang pagkakaroon ng mamahaling oil paint na gawa at galing sa Pransya mula sa kanyang manliligaw na si Simplicio Endaya, na kalaunan ay siya niyang naging kabiyak.

Sa kabilang banda, mapalad naman ang mga kababaihang alagad ng sining kay Imelda dahil isa siya sa nagtatag ng Kasibulan o Kababaihan sa Sining at Bagong Sibol ng Kamalayan noon pang 1987. Kasama niya sa pagtatag si Brenda Fajardo, Anna Fer at Julie Lluch. Hanggang ngayon matibay ang suporta ni Imelda sa kababaihang alagad ng sining ng Kasibulan.

Malaki ang kanyang kontribusyon sa pagpapalaganap ng feminist art kung kaya’t napakalaki ng paghanga sa kanyang mga obrang iniangat ang kalagayan ng mga kababaihan, may pinag-aralan man o wala.

Sa kanyang mundong ginagalawan, hindi lang siya kilala bilang guro, eskultor, curator, installation artist at mixed media artist. Siya ay naging resident artist ng Switzerland, nakalahok at nabigyan ng parangal sa iba’t ibang patimpalak sa sining katulad ng Thirteen Artist Award, 1990; Che-ju Pre-Biennale Special Award, 1995; Patnubay ng Sining at Kalinangan Award, 1998; Centennial Honors for the Arts, 1999; at American Society of Contemporary Artists, 2009. Nagkaroon si Imelda ng pagkakataong mag-eksibisyon sa iba’t ibang bansa sa Asia, Amerika at Europa. Kahit siya ay nag-alaga sa kanyang butihing ina sa Amerika noon, nagpatuloy siya sa paglikha at pagpinta mula 2005-2009.

Si Imelda ay kilala rin bilang manunulat at kontribyutor, bukod pa sa pagiging akda ng ilang aklat at naging references sa Philippine Culture and Arts, ilan sa kanyang aklat ay ang “Limbag Kamay: 400 years of Philippine Printmaking,” “Nelfa Querubin: A Passion for Clay,” “Filipino Engravings,” “CCP Encyclopedia of Philippine Art,” Siya rin ang kauna-unahang editor ng Pananaw Philippine Journal of Visual Arts at nakapaglimbag ng “Alternations: The Art of Imelda Cajipe Endaya.”

Matindi ang ginugol na oras ni Imelda sa pagsasaliksik, kaya’t hindi mahirap para sa kanya ang maging mentor ng mga susunod na hilera ng mga kababaihang alagad ng sining na susunod sa kanyang yapak.

Ang “Pagtutol at Pag-asa: Isang Retrospective” ay pagbibigay pugay sa pangako ng pagtutol, na pai-igtingin ang paglaban sa soberenya ng bayan. Hindi pa huli ang lahat, at sa isang binigkas na haiku ni Imelda sa pagbubukas ng eksibisyon: “Babaeng hasa, balakang ay matibay handang kumasa.”