HINIMOK ng isang Filipino human rights lawyer sa United Kingdom ang pagtatalaga ng gobyerno ng Filipinas ng mga ahensiyang maaaring mag-monitor sa overseas Filipino workers sa iba’t-ibang panig ng mundo sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa UK ay umaabot na sa halos 5,000 ang nasawi sa COVID-19 at mahigit 200 dito ay Pinoy frontliners.
Nasa mahigit 700 Pinoy frontliners na nagtatrabaho sa nursing homes at ospital sa UK ang naitalang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Atty. Girlie Manalo Gonito, Human Rights Lawyer sa London at founder ng OFW UK International Friendship Association doble na ang hirap ng kalagayan ng 300,000 OFWs sa UK dahil sa banta ng COVID-19.
Ang mga nasawing OFW dahil sa COVID-19 aniya ay hindi namo-monitor ng embahada ng Filipinas dahil sa kakulangan ng pondo at pasilidad.
Samantala, bangkay na nang madatnan sa kaniyang apartment sa New York ang Filipino photographer na nakilalang si Rich Neri Concepcion.
Ang 44-anyos na si Concepcion ay tubong Cagayan de Oro.
Ayon sa ulat, mag-isa lang si Concepcion sa kaniyang apartment nang makitang walang buhay.
Walang nakitang senyales na may foul play sa pagkasawi ng biktima at hindi na rin ito naisailalim sa autopsy dahil agad na isinailaim sa cremation ang bangkay nito lalo at may outbreak ng COVID-19 sa Amerika.
Bago nakitang walang buhay, nagtungo pa sa ospital sa Queens New York si Concepcion dahil sa masamang pakiramdam, ngunit hindi ito nasuri dahil sa haba ng pila ng mga pasyente. DWIZ882