NAGING matagumpay ang idinaos na blood-letting activity ng DOH-Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) sa pakikipagtulungan ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) kamakalawa na nilahukan ng 200 mga sundalo ng 2nd Infantry Division (a.k.a. Jungle Fighter Division) Philippine Army sa Camp Mateo M. Capinpin sa Tanay, Rizal.
Bahagi ito ng layunin ng DOH regional office na maihanda at maging libre ang mga donasyong dugo sa mga nangangailangan nito.
Ayon kay DOH Regional Director Eduardo C. Janairo, sa susunod na taon ay ipatutupad ang sistema kung saan libre na ang lahat kabilang ang processing fees sa tulong ng regional office.
“The system will provide a service delivery network for obtaining blood products to those in need. It will be the system who will seek the patient not the other way around which is the usual way of acquiring blood products,” ani Janairo.
“Ang sistema na ang sasalo sa pangangailangan ng pasyente, kung anong klase ng dugo ang kailangan at kung nasaan ang pasyente ang sistema na ang magdadala ng dugo sa kanya. Hindi na n’ya kailangan pang pumila, maghanap ng magdo-donate at ipapalit sa kailangan n’yang dugo. Kung minsan sa tagal ng paghahanap, namamatay na ang pasyente,” ayon pa kay Janairo.
Tiniyak nito na mayroong patuloy at sapat na supply ng dugo sa lahat ng panahon sa rehiyon.
Inulit pa nito na ang dugo ay libre at kailangang ibahagi at hindi dapat bayaran.
Ang blood-letting activity ay ikalawa sa mga idinaos sa Camp Capinpin sa tulong ng Philippine Army. Namigay rin ang regional office ng 200 bags ng groceries at mga laruan sa mga bata.
Kabuuang 200 blood donations ang nakuha na nagkaloob ng 24 gallons ng dagdag na supply ng dugo sa rehiyon. SCA
Comments are closed.