PATULOY ang kampanya ng lokal na pamahalaan ng Maynila upang linisin ang lungsod at liban dito ay mapanatili ang kalusugan ng bawat residente kung saan tinatayang aabot sa 200,000 bata ang nabigyan na ng oral polio vaccine.
Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, kasunod ng pinaigting na kampanya ng lungsod kontra Polio, nasa 100.18 % o katumbas ng 197,000 bata na aniya ang nabigyan ng oral polio vaccine.
Dagdag pa niya, hindi lamang naabot ang target na 95 porsiyento kundi lagpas-lagpas pa dahil na rin sa pakikipagtulungan at pakikiisa ng mga magulang sa programa ng Department of Health (DOH) at Manila Health Department.
Ikinagagalak din aniya ng alkalde ang maayos na tugon ng publiko sa kampanya ng lokal na pamahalaan habang matutuwa rin dito ang World Health Organization (WHO) dahil sa ginagawang mga hakbangin ng Maynila na malagpasan ang bilang ng nabakunahan sa kanilang inaasahan.
Bagamat marami na ang nabigyan ng oral polio vaccine, sinabi ng alkalde na hanggang ngayon ay hindi tumitigil ang pamahalaang lungsod sa pagbibigay ng bakuna kontra polio upang tuluyang mapuksa ito at maiwasan ang paglaganap ng naturang sakit. PAUL ROLDAN
Comments are closed.