200K DOSES NG BAKUNA BIBILHIN NG PARAÑAQUE

PUMIRMA na sa isang kasunduan ang lokal na pamahalaan ng Parañaque para makabili ng 200,000 doses ng COVID-19 vaccine ng AstraZeneca sa halagang $1 milyon.

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, ang kanyang nilagdaang “Multilateral Agreement for the Advance Purchase of AZD1222 Vaccine” nito lamang nakaraang araw ay isang makabuluhang development sa pakikipaglaban ng bansa sa COVID-19.

Bukod sa AstraZeneca, anang alkalde na interesado rin ang lungsod na makabili ng bakuna sa iba pang kagalang-galang na mga drug manufacturers tulad ng Janssen, Pfizer/BioNTech at Moderna.

Ani Olivarez, naglaan ng inisyal na halagang P250-milyon sa ilalim ng COVID-19 vaccination program ang lokal na pamahalaan para sa pagbili ng naturang bakuna at ipagkakaloob ito ng libre sa mga residente ng lungsod.

“Kapag ang bakunang ito ay nai-deliver na sa lungsod, agad kaming gagawa ng programa sa pagbabakuna na kinabibilangan ng mga indibidwal na madaling mahawahan ng sakit, senior citizens at health workers,” anang alkalde.

Ayon naman kay City Health Officer (CHO) Dr. Olga Virtusio, plano ng lungsod ay mabakunahan ang 119,200 na mga residente sa Phase 1 ng vaccination program na pakikinabangan ng frontline workers, uniformed personnel, persons with disabilities (PWDs), senior citizens at ang indigents.

Dagdag pa ni Virtusio, ang pangunahing layunin ng lungsod ay maipatupad ang 90% vaccination coverage upang maabot ang 70% ng herd immunity ng kritikal na populasyon.

Ang AZD1222 Vaccine na idinevelop ng AstraZeneca UK sa pakikipag-partnership sa Britain’s Oxford University, ay ipinagbibili ng AstraZeneca sa pamamagitan ng “no profit, no loss” arrangement sa panahon ng pandemya.

Nagkakahalaga ang AZD1222 ng $5 bawat dose o kabuuang $1 milyon na gagastusin ng lokal na pamahalaan ng Parañaque. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.