200K MALL EMPLOYEES SA METRO ADJUSTED NA ANG UWI

Mall employee

IPINAHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagsimula na noong Lunes ang adjusted mall hours bilang paraan upang maibsan ang traffic sa Metro Manila.

Mula noong Lunes ay alas-11:00 ng umaga nagbukas ang may 50 hanggang 100 malls sa Kalakhang Maynila na ang layunin ay upang makaiwas ang pagbubukas ng mall sa rush hour sa umaga at gabi.

Ayon sa MMDA dahil sa adjusted mall hours ay hindi na rin sasabay ang mahigit na 200,000 empleyado ng mga mall sa pasukan at uwian ng mga nagtatrabaho at pati na rin ng mga estudyante.

Sa pahayag ni MMDA general manager Jojo Garcia, ang nasabing hakbangin ay may pakinabang ang mga pasahero dahil kalat o ‘di kaya ay magkakaiba ang oras ng pagpasok at pag-uwi.

Sa datos ng MMDA, sa EDSA pa lamang ay nasa 150,000 hangang 200,000 na mga sasak­yan ang pumupunta sa mall sa pagbukas nito na siyang nagiging dahilan ng pagbigat ng daloy ng trapiko.

Matatandaan na ipinagbawal ng MMDA ang sale sa mga mall sa weekdays mula Lunes hangang Biyernes.

Subalit sinabi ni Garcia na sa darating ng Biyernes ay mayroon pa ring mall sale dahil una na itong naitakda bago pa ang adjusted mall hours. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.